Pinoy Self-help Investing No.10, Karugtong ng kwento ko tungkol sa freelance website developer na nakilala ko at nirefer para gumawa ng website sa kaibigan kong importer ng mga sasakyan galing sa Japan, ngayon tapos na ang function testing at approved na yung website. Final turn-over na lang nung website at by that time matatanggap ko na yung referral fee ko. Pagkatapos nito, yung isa namang kakilala ko na nagm-manage ng apartment for rent sa Makati ang next Client para sa website development. On-going ang requirements gathering sa ngayon.
Maliban dito sa website development, Habang nagttrabaho ako sa Japan, naghahanap pa rin ako ng income-generating task na kaya ko gawin. Tulad na lang nung July 2009, may nakilala ako sa internet forums na nagpa-translate ng website niya from English to Japanese. Dahil marunong naman ako magsulat at magbasa ng Japanese, isang araw lang nagawa ko agad at nakatanggap ako ng 5,000 yen para dun sa task na iyon. Kasunod nito, meron uli akong nakilalang may online grocery sa Japan na pinaayos yung design ng website nya. Dahil marunong naman ako magdesign at edit ng mga website header at background, pinag-aralan ko kung paano gamitin yung web designer na ginagamit nila. Unang ginawa ko ay yung header design, nung natapos ko nakatanggap agad ako ng 10,000 yen. Sinunod ko naman ay ang pagpapaganda ng website background, ginawa kong simple at maaliwalas sa mga site visitors na nagvi-visit nung site. Nagustuhan naman ng kakilala ko kaya binigyan uli ako ng 10,000 yen para sa pag-ayos ng website background. Naisip ko na hindi pala ganon kahirap magkaron ng extra-income, basta gagamitin mo lang kung ano yung gift o talent na binigay sayo. Katulad nga ng madalas ko naririnig mula sa mga popular na author at nababasa mga sinulat nilang libro, kung ano ang talent na meron ka at masaya kang ginagawa mo ito ay wag kang mag-atubili na pagyamanin. Bakit mo gagawin ang mga bagay na alam mong hindi ka masaya at hindi iyon ang talagang nakatakda para sayo? Madaling matutunan kung sa madali dahil ang lahat naman ay napag-aaralan. Pero kung ang pinag-aaralan mo naman ay hindi mo gusto, wala rin halaga ito.
Lahat tayo may mga kanya-kanyang gustong marating sa buhay. Ang iba sa atin ay halos iisa ang gusto sa buhay at iba naman ay may mga pangarap na kung iisipin mo parang hindi na kaya ng abutin. Masarap ang mangarap. Tayo ang makakapagsabi kung ano ba talaga ang gusto natin sa buhay. Pero hindi ibig sabihin na nangangarap nga tayo pero wala naman tayong ginagawa para maabot iyon. Hindi sapat na sasabihin natin, may pangarap tayo at pinapaubaya na lang natin sa panginoon kung ano ang mga mangyayari. Kung may pangarap tayo, dapat sinusukat natin kung gaano katagal, ano ang mga kailangan na paghahanda ang gagawin para maabot natin iyon at pagdarasal sa panginoon para gabayan tayo na maging tama ang mga desisyon at naayon sa plano natin ang kagustuhan nya. Kadalasan nagiging frustration sa atin ang mga bagay na pinangarap natin pero hindi naman natutupad. Bakit nangyayari ang mga ganitong sitwasyon? Ginusto natin pero hindi naman natin natanggap? Yan ang mga bagay na dapat lagi natin kino-consider at pag-aralan tanggapin. Ang mga pangarap natin ay siyang daan para sa masayang kinabukasan, ngunit kung ito naman ay hindi naayon sa plano ng ating panginoon ay hindi rin natin makakamtan. Nakakapag-isip tayo at nakakaramdam kung ano ba talaga ang gusto natin pero kung titignan natin ang pinaka-purpose bakit tayo ngayon andito sa mundo ay hindi natin magawang bigyan ng linaw.
Lagi ko nga naririnig sa mga magulang ko noong bata pa ako, "Kilos lang tao at nandiyan ang panginoon nakaalalay sayo". Maraming katanungan at iba't ibang opinyon pero bawat isa sa atin may kanya-kanyang pang-unawa at pakahulugan kung bakit tayo ngayon nandito sa mundo. Walang tamang sagot at wala rin mali. Kung ano ang tingin mo tama para sayo, posibleng mali sa iba. Kung ano ang mali sa iba ay posibleng tama para sayo.
Hindi masama ang mangarap. Nabuksan ang isip ko para gawin ang lahat ng makakaya ko na mabigyan ng katuparan ang mga pangarap ko mula ng magbasa ako ng mga libro tungkol sa "personal growth" at "financial literacy". Mula noon, narealize ko na hindi pala tayo sumabay lang sa kung ano ang agos nang buhay. Hindi tayo dapat nakapattern sa kung ano ang mga nakasanayan at pamamaraan ng mga ninuno natin. Maaring may mga pamamaraan silang magiging epektibo pa rin hanggang sa ngayon, ngunit marami rin ang mga lumang pamamaraan na kung titignan natin wala nang silbi sa kasalukuyan. Katulad na lang ng kasabihan, "mas mabuti pa ang mahirap kesa mayaman", "mas masarap ang mamuhay ng simple lang at tama lang makakain at tustusan ang pag-aaral ng mga anak", at marami pang iba. Sa isang banda may punto ngunit bakit natin lilimitahan ang sarili natin sa mga ganitong paniniwala? Ano ang nagiging ugat nang karahasan kung tama lang na matustusan ang pag-aaral ng mga anak at makakain sa isang araw ngunit paano kung may dumating na hindi inaasahang sakuna? Saan tayo kukuha ng panggastos para sa Ospital? Paano kung bigla tayo nawalan ng trabaho at walang aasahan na tutulong? Yan ang mga kadalasan nagiging problema natin sa buhay.
Sa lahat ng mga napagdaanan ko mula pagkabata, malaki ang mga naging aral sa akin ng kahirapan. Natuto akong mag-isip ng mga pamamaraan kung paano ako magkaron ng extra-income. Ginamit ko ang passion ko sa pakikipag-coordinate hindi lamang sa trabaho kundi sa pakikipag-coordinate sa mga naging kaibigan kong may mga negosyo. Pinag-aaralan ko kung ano yung mga naging best practices nila at kung ano ang mga sikreto kung bakit sila matagumpay sa mga negosyo na kasalukuyang pinapatakbo nila. Hindi masamang maging makulit para lang matuto. Lagi ko iniisip, hindi naman sila nag-umpisang matagumpay sa buhay kaya bakit ako mahihiya? Hindi sila naging matagumpay ng hindi dumaan sa mga pagsubok at pagkalugi ng negosyo kaya bakit ako mahihiya? Ang lahat ng mga failures sa buhay ay may kapalit na tagumpay. At sa tuwing babalikan mo ang sitwasyon na kung saan ka nag-fail ay alam mo na kung ano ang mga epektibong paraan para malampasan ang mga ito. Gawin lang natin at pagyamanin kung ano ang mga talentong binigay sa atin bilang daan tungo sa tagumpay ng kinabukasan. (Continuation: Pinoy Self-help Investing No.11)
No comments:
Post a Comment